Higit 800 bags ng dugo, matagumpay na nakolekta sa blood letting activity sa Libmanan

Real-life heroes ang mga nagbigay ng dugo dahil maraming buhay ang madurugtungan nito, ayon sa isang doktor.

CAMARINES SUR – Kabuuang 877 na bags ng dugo ang matagumpay na nakolekta ng Rural Health Unit 1 (RHU 1) sa bayan ng Libmanan sa idinaos na Bloodletting Activity nitong Huwebes, September 5, 2023.

Nasa 40 barangay na sakop ng RHU 1, LGU employees at NGO’s ang naimbitahang lumahok sa nasabing pagtitipon na inorganisa ng Bicol Medical Center Blood Letting Team at ng Municipal Health Office.

“Dugong Alay ng Bayaning Tunay” ang naging tema ng aktibidad.

Ayon sa Municipal Health Officer na si Dr. Eddie Palima, 700 lamang ang target sana nilang makolekta subalit bago matapos ang aktibidad ay may mga humabol kahit hindi na inabot ng tatlong kilong bigas na kanilang ipinamamahagi bilang kapalit sa kada donor.

Aniya, maituturing na real life heroes ang mga nag-donate ng dugo, dahil sa may bagong buhay na naman silang madudugtungan.

Sa mga susunod na araw, bibisitahin rin ng grupo ang mga natitirang lugar sa bayan upang magsagawa rin ng Bloodletting Activity.