Hi-tech vote-buying bantay-sarado na rin ng Comelec

Hinimok ng Commission on Elections (Comelec) ang mga e-wallet providers gaya ng Gcash at PayMaya na magbantay sa mga kahina-hinalang transaksyon bago mag-eleksyon.

Kasunod ng paalala ng Commission on Elections (Comelec) na nakabantay ito sa vote-buying at vote-selling, binalaan naman nito ang mga operator ng electronic wallet (e-wallet) gaya ng Gcash at PayMaya na maging mapanuri sa posibleng digital vote-buying.

Ayon sa Comelec, maaaring gamitin ng mga kandidato sa barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ang mga e-wallet sa vote-buying, kung kaya’t mas lalong dapat i-monitor ito.

Partikular na dapat silipin ng pamunuan ng Gcash at PayMaya ay ang mga malalaking transaksyon o kaya ang pagpapadala ng isang tao ng pera sa maraming indibidwal, lalo na sa mga araw bago ang eleksyon.

“A red flag would be if someone sent a certain amount of money to a large number of recipients,” paliwanag ni Comelec Chairman George Garcia.

Inanunsyo naman ni Garcia na susuportahan ng mga online banks at digital wallet companies ang pagbabantay ng Comelec laban sa vote-buying.

Sinabi rin nito na nakipag-coordinate na ang ahensiya sa Anti-Money Laundering Council at Bangko Sentral ng Pilipinas upang tumulong sa pag-monitor sa mga kahina-hinalang transaksyon.