Heto na ang tamang panahon! Report tungkol sa takdang presyo ng bigas, ibinigay na kay PBBM – DA official

Ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. pa rin ang magpapasya kung tatanggalin na ang takdang presyo sa bigas, ayon sa opisyal ng Department of Agriculture (DA).

Nakikinita na ng isang opisyal ng Department of Agriculture (DA) na dumating na ang tamang panahon para tanggalin na takdang presyo sa bigas kung pagbabasehan ang kasalukuyan sitwasyon.

Ayon kay Director Gerald Glenn Panganiban ng Bureau of Plant Industry, nagpapatuloy ang pagbaba ng presyo ng bigas sa mga pamilihan sa mga bayan, habang unti-unti nang tumataas ang supply nito dahil sa kasalukuyang anihan na nagaganap.

“‘Yun ang indication ano. From our parameter naman, mukhang ready na. But of course it’s all upon the president to decide on it,” sinabi ni Panganiban sa isang pulong balitaan sa Palasyo Martes ng umaga, Oktubre 3.

Iginiit ni Panganiban na tanging ang Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. pa rin ang magpapasya kung tatanggalin na ang takdang presyo sa bigas bilang tumatayong kalihim ng DA.

“The President will be the one deciding on it,” dagdag pa ni Panganiban.

Aniya, naglalaro sa 80% hanggang 90% ng mga retailer ang sumunod sa takdang presyo ng bigas.

Pinaalala rin ni Panganiban na pansamantala lang ang takdang presyo sa bigas kaya hindi dapat mangamba ang mga nagbebenta at maging ang mga mamimili.

“I think the market will take care of itself but at that point in time, temporary measure lang naman siya and we will see ano ang position ng Presidente,” aniya.