Hello, Haring Araw! ‘Fair weather’ sa buong bansa, asahan na sa mga susunod na araw

Asahan na ang mabuting panahon nitong Biyernes at sa mga susunod na araw, ayon sa PAGASA.

Makakaasa ang buong bansa na magiging maganda ang panahon nitong Biyernes at sa mga susunod na araw pa, ayon sa huling weather bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

“We are also expecting warm weather, so Metro Manila will experience high temperatures that could reach up to 34°C,” pahayag ni Aldczar Aurelio ng PAGASA.

Makakaasa rin ng matinding init ang mga siyudad ng Legazpi, Tuguegarao, at Puerto Princesa kung saan maaaring umabot ng hanggang 33°C ang temperatura, ayon na rin kay Aurelio. Makakaranas rin aniya nang matinding init ang Visayas at Mindanao, partikular ang Tacloban, Zamboanga, Iloilo, at Davao.

Bagaman fair weather ang mararanasan ng bansa, nagbabala pa rin ang PAGASA nang panaka-nakang pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng Pilipinas.

“Despite the fair weather, isolated rains are still likely due to thunderstorms,” paalala ni Aurelio.

Ang pagbuti ng panahon ay kasunod ng halos dalawang linggong pag-ulan na dulot ng bagyo at pina-igting na habagat.