Hayop sa itsura or itsurang hayop? Litrato ng unggoy, nagagamit sa pagrehistro ng SIM card

Nagagamit ng mga nagrerehistro ng SIM card ang litrato ng mga hayop, sinabi ng isang opisyal ng NBI sa Senate committee on public services

Magagamit ang litrato ng hayop tulad ng unggoy para makapagrehistro ng SIM card, ayon sa isang opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI).

Sa pagdining ng Senate public services committee noong Martes, Setyembre 5, ipinaliwanag ni NBI cybercrime division chief Jeremy Lotoc na sinubukan ng kanilang hanay na magrehistro ng SIM card mula sa iba’t ibang mga telco gamit ang litrato ng hayop at ibang pangalan.

“Pumasok pa rin, actually,” sinabi ni Lotoc sa kumite na pinamumunuan ni Senador Grace Poe.

Nagpakita ng halimbawa si Lotoc ng maling rehistro sa kumite kung saan mukha ng unggoy ang ginamit na litrato.

Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit nahihirapan tuntunin ng mga awtoridad ang mga pinaghihinalaang scammer dahil hindi reliable ang impormasyon ng mga SIM owner.

Iginiit naman ng mga telco companies na mayroon silang sapat na safeguards para beripikahin ang datos na nakukuha nila mula sa mga nagrerehistro ng SIM card.

Iminungkahi naman ni Poe na amyendahan ang implementing rules and regulation ng batas upang makasama ang facial recognition sa mga paraan ng pagberipika.

“For the information of our colleagues, Dito is actually implementing facial recognition together with the ID. But, Globe and Smart resisted that it be included in the IRR. So I just think we have to tweak the IRR,” ani Poe.

“It’s actually looking like what we have now is not really sufficient so we will have to go back to the drawing board and probably with the cooperation of the NTC (National Telecommunications Commission), maybe we can amend the IRR,” dagdag pa niya.