‘Hanna,’ nakaalis na sa Pilipinas, ngunit uulan pa rin ng malakas dahil sa habagat

Nakalabas na ang Bagyong “Hanna” sa Philippine Area of Responsibility (PAR), ngunit asahan na patuloy pa ring magiging maulan buong araw dahil hinahatak nito ang habagat, ayon sa PAGASA.

Nakalabas na ang Bagyong “Hanna” sa Philippine Area of Responsibility (PAR), ngunit asahan na patuloy pa ring magiging maulan buong araw dahil hinahatak nito ang habagat, ayon sa PAGASA.

Sa kanilang 11:00 AM na kalatas, sinabi ng ahensiya na ang pinalakas na habagat ang magdudulot ng panaka-nakang ulan na maaaring maging malakas na buhos sa kanlurang bahagi ng Luzon sa susunod na tatlong araw.

Magiging mahangin na may kasamang pag-ulan ang inaasahan sa Batanes, Babuyan Islands, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Nueva Vizcaya, sa katimugang bahagi ng Aurora, Zambales, Bataan, Bulacan, Metro Manila, Occidental Mindoro, Romblon, Marinduque; hilagang bahagi ng Palawan kasama ang Calamian, Kalayaan, at Cuyo Islands, at karamihan ng bahagi ng Calabarzon, Bicol, at Western Visayas.

Nagpalabas na rin ang PAGASA ng gale warning na nangingibabaw sa karagatang sakop ng Northern Luzon, karagatan sa kanluran at timog Luzon, at sa karagatang kanluran ng Visayas.

“Disruption in civilian maritime activities is expected over these areas (e.g., suspension of sea travel) due to hazardous sea conditions,” ayon sa ahensiya.

Mabagal na gumagalaw si Hanna sa ibabaw ng Taiwan strait, at unti-unti na itong humihina.

Inaasahang mag-landfall si Hanna sa karagatan ng Guandong o Fujian, China, Martes ng umaga, Setyembre 5, o Miyerkules ng hapon, Setyembre 6, bilang isang severe tropical storm.