Handang-handa na: Pagpasok ng maraming pasahero, pinaghandaan na ng BI

Handang handa na ang Bureau of Immigration sa pagdami ng airport arrivals dahil sa Undas at sa papalapit na Christmas break. Sa katunayan, may mga karagdagang personnel na ang ahensiya para dito.

Handa na ang Bureau of Immigration (BI) sa pagdagsa ng mga tao sa airport dahil sa nalalapit na Undas at Kapaskuhan.

Tiniyak ito ni BI Commissioner Norman Tansingco, na nagsabing magdadagdag ang ahensiya ng mga tauhan upang mas matutukan ang pagdami ng mga pasaherong dadaan sa mga paliparan sa bansa.

“October 28 to November 25, very very very long weekend, magpapadala na ako ng augmentation sa airport simula October 25, wala munang mga vacation leave,” paliwanag niya.

Ganoon rin aniya ang magiging patakaran para sa Pasko at Bagong Taon.

Dagdag pa ni Tansingco mayroon nang karagdagang 55 immigration personnel ang magtatapos ng kanilang training at agad made-deploy. Mayroon ring mga “organic personnel” na gagamitin bilang immigration officers para sa Christmas season.

Sa kabuuan, tinatayang 4 million airport arrivals ang inaasahan ng BI sa huling tatlong buwan ng taon.