Handa na rin sila! Tauhan ng BFP, ipinakalat sa Metro Manila para tumulong sa Undas

Puspusan na ang paghahanda ng pamahalaan para matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino sa Undas. Sa katunayan, may mga emergency personnel nang pinakalat ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa mga sementeryo.

Nagpakalat na ang Bureau of Fire Protection (BFP) ng mga personnel ng Emergency Medical Services (EMS) nito sa may 66 sementeryo sa Metro Manila. Ito ay bahagi ng preparasyon ng gobyerno para sa Undas, kung saan inaasahan ang pagdagsa ng mga tao.

“Mayroon po tayong mga EMS po sa bawat sementeryo ngayon na in case may nahilo o may na-high blood, mayroon po tayong agad na personnel po sa 66 identified cemeteries,” pagtitiyak ni BFP – National Capital Region Assistant Director Senior Supt. Rodrigo Reyes sa isang lingguhang forum sa Quezon City.

Aniya, direktiba ito ni BFP regional director, Fire Chief Superintendent Nahum Tarroza.

“Shifting po kami ‘no. So, 1,000 isang araw, 1,000 sa isang araw. Actually, wala po kaming break, wala po kaming bakasyon,” dagdag pa ni Reyes.

Ipinagmalaki rin niya ang motorcycle ambulances ng BFP, na aniya’y makakatulong magdala ng mabilis na serbyisong medikal sa mangangailangan nito.

“Naka-deploy po ito, sir, 24/7 po, along the road. Naka-station po sila in case na may mga vehicular incident, madali po silang matatakbuhan ng atin pong motorcycle ambulance,” sabi niya.

Tiniyak rin ni Reyes na highly trained ang EMS staff ng BFP.