Hanapin natin siya: Calabarzon police, bumuo ng task force para sa nawawalang beauty queen

Pinaghahanap pa rin si 2023 Miss Grand Philippines finalist Catherine Camilon, na naiulat na nawawala noong pang Oktubre 12.

Binuo na ng Calabarzon regional police ang isang task force nitong Biyernes, Oktubre 22, upang tutukan ang kaso kaugnay sa pagkawala ni 2023 Miss Grand Finalist Catherine Camilon.

Sinabi ni Calabarzon police director Brig. Gen. Paul Kenneth Lucas na kailangan nila ng “organized and dedicated effort” para matugunan ang kaso.

Magsisilbing coordination center ang task force sa iba pang mga yunit ng pulisya para sa mga mapagkukunan ng impormasyon at mga estratehiya sa paghahanap sa kinaroroonan ng Camilon, paliwanag ni Lucas.

Si Camilon, 26, ay naiulat na nawawala noong Oktubre 12, ayon sa kanyang pamilya. Siya ang kinatawan ng Tuy, Batangas sa Miss Grand Philippines 2023 noong Hulyo. Siya rin ay isang public school teacher.