Hanapin na agad baka makapanloko pa! Negosyanteng scammer rin pala, nakalimas ng higit P80 milyon

Ang modus ng babae ay maki-swipe sa credit card ng biktima nito ng mga gadget gaya ng cellphone at laptop na isu-suplay niya diumano sa mga opisina ng business process outsourcing at mga paaralan.

Isang babaeng negosyante na taga-Cavite ang pinaghahanap ngayon ng awtoridad matapos ang sunud-sunod na reklamo laban sa kaniya.

Ayon sa mga nagrereklamo, ang modus ng babae ay maki-swipe sa credit card ng biktima nito ng mga gadget gaya ng cellphone at laptop na isu-suplay niya diumano sa mga opisina ng business process outsourcing at mga paaralan. Ang kapalit umano ay 5% interes kada transaksyon.

Nakakabayad pa diumano ang suspek sa unang mga buwan nito, subalit simula nitong Nobyembre ay hindi na mahagilap ang babae.

Sa kabuuan ay nakasabat ng higit P80 milyon ang babae sa kaniyang investment scam.

Batay sa datos ng barangay, mahigit 30 katao na ang nagreklamo sa kanilang tanggapan, at karamihan sa kanila ay mula Cavite, Las Piñas, Manila, at Laguna.

Inanyayahan na ng barangay ang naturang negosyante, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa ito matunton.