Hanapin ang salarin! Malaking bapor ang nakasagasa sa bangka ng mga mangingisda sa may Scarborough Shoal – PCG

Maaaring nakatulog ang mga mangingisda sa bangka kaya hindi nito nakita o narinig ang papatawid na bapor, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Isang banyagang bapor ang bumangga sa isang bangkang pumapalaot sa may Scarborough Shoal, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Ayon sa paunang imbestigasyon, nabangga ng bangka ng mga mangingisdang Pilipino ng bapor na naka-rehistro sa Marshall Islands. Lumubog ang bangka na ikinamatay ng kapitan nito at dalawang kasamahan.

Sinabi ng PCG na isang oil tanker ang bapor, at kasalukuyang tinutukoy ang pagkakakilanlan ng kapitan nito.

Sa isang panayam, sinabi ni PCG spokesperson Rear Admiral Armand Balilo na maaaring nakatulog ang mga mangingisda noong nangyari ang insidente.

“Malamang hindi nakita ito, tulog ‘yung ibang crew members kaya hindi naka-survive,” aniya.

“Titignan nating mabuti kung ano ‘yung mga circumstances dito sa insidente, gaano kalaki ‘yung barko, ‘yung mga locals ba ay hindi sila nakita, at siyempre ‘yung lagay din ng panahon para mag-contribute dun sa visibility nung area,” sinabi pa ni Balilo.

Ayon sa salaysay ng isa sa mga nakaligtas, walong mangingisda ang nasa iba pang bahagi ng laot, habang anim ang naiwan sa mother boat na binangga ng bapor.

“Due to the adverse weather conditions causing darkness, the crew on board the mother boat failed to detect an unidentified vessel approaching, resulting in a collision that caused the mother boat to capsize,” ayon sa ulat ng PCG.