Halos buo na: Cavite Extension ng LRT-1, malapit na makumpleto

Ayon sa private operator ng LRT-1, umabot na sa 94.1% ang progress rate na naturang proyekto sa pagtatapos ng ikatlong yugto ng 2023.

Halos tapos na ang paggawa sa Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) Cavite Extension.

Ayon sa private operator nitong Light Rail Manila Corporation (LRMC), umabot na sa 94.1% ang progress rate na naturang proyekto sa pagtatapos ng ikatlong yugto ng 2023.

“The overall progress rate is a good signal to usher the country into an era of modern railway experience where passengers can take advantage of world-class amenities, user-friendly and PWD-friendly facilities, high standards of safety and security, and value-added services,” sabi ni LRMC president at CEO Juan Alfonso sa isang pahayag.

Sa parehong pahayag na inilabas nitong Biyernes, Nobyembre 10, sinabi ng LRMC na target nitong buksan ang limang bagong istasyon sa huling quarter ng 2024. Ang mga ito ang Redemptorist Station (86.3% complete), Manila International Airport (MIA) Station (86.9%), Asia World Station na ikokonekta sa Parañaque Integrated Terminal Exchange o PITX (72.9%), Ninoy Aquino Station (81.5%), at Dr. Santos Station (90.5%).