Halalan sa pitong barangay sa Lanao del Sur, Samar, itutuloy ngayong Martes, Oktubre 31—Comelec

Hindi dumating ang mga election paraphernalia sa pitong barangay ayon sa schedule kaya hindi nito naisagawa ang halalan, ayon sa Commission on Elections (Comelec).

Anim na barangay sa Lanao del Sur at isa naman sa Samar ang magdaraos pa lang ng barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) ngayong Martes, Oktubre 31, matapos maantala ang halalan noong nakalipas na araw, ayon sa Commission on Elections (Comelec).

Hindi dumating ang mga election paraphernalia sa pitong barangay ayon sa schedule kaya hindi nito naisagawa ang halalan, paliwanag ni Comelec chair George Garcia.

“Mayroong tayong anim na barangays (Lanao del Sur) na ngayon gagawin ang halalan sapagkat hindi kasi dumating ng eksaktong hanggang alas dose kahapon ang mga kagamitan,” ani Garcia.

“Mayroon ding isang barangay na gagawin din ang halalan diyan sa Calbayog City sa Samar. ‘Yung kasing mga sundalo at pulis kasama ‘yung ating mga election official na may dala ng kagamitan papunta sa barangay ay pinaputukan ng mga insurgent. Hindi pa nakakarating sa barangay ay pinaputukan kaya hindi naituloy ang pagdadala ng gamit,” dagdag pa ng opisyal.

Nabigyan naman sapat na abiso ang mga botante ukol sa delay, ayon pa sa opisyal.

Una nang hiniling ng Comelec ang isang linggong transition period para sa mga proklamadong nanalo sa halalan. Ito ang naging posisyon ng komisyon matapos ibaba ng Korte Suprema ang desisyon nito na nagdeklara sa hiling na postponement sa BSKE sa Oktubre 30, 2023 bilang unconstitutional.