Hahatakin pabalik ng daungan ang bangkang binangga ng oil tanker sa West Philippine Sea —PCG

Nais isalba ang kumpunihin ng mga kaanak ng biktima ang FFB Dearyn upang magamit nila ito muli sa kanilang kabuhayan, ayon sa Philippine Coast Guard.

Nakuha na ang bangkang nabangga ng isang oil tanker sa karagatang bahagi ng West Philippine Sea, at hahatakin ito pabalik sa daungan, ayon sa Philippine Coast Guard.

Ayon kay PCG spokesman Rear Admiral Armand Balilo, nakita na ng mga awtoridad kung nasaan ang FFB Dearyn, at kinuhanan nila ito ng litrato.

Kinuha na rin ng PCG ang serbisyo ng Harbor Star upang isalba at hatakin pabalik sa daungan ang bangka, na tinamaan sa kanyang starboard side ng oil tanker na MT Pacific Anna, na ikinamatay ng tatlong mangingisda, kabilang ang kapitan ng bangka.

Personal na hiniling ng mga kaanak ng naulila na kuhanin ang bangka para ayusin nila ito at magamit sa hanapbuhay.

Sinabi rin ni Balilo na sumulat na ang PCG sa gobyerno ng Marshall Islands upang maglunsad ito ng imbestigasyon kaugnay ng banggaan sa dagat.

“We expect with this formal request the Flag State of Marshall Islands will conduct safety investigation in compliance with the IMO’s Casualty Investigation Code Chapter 6 that the state of ship involved in a very serious maritime casualty is responsible for ensuring that a marine safety investigation be conducted and completed,” paliwanag ni Balilo, at tinukoy ang panuntunan ng International Maritime Organization.

Magagamit ng mga pamilya ang resulta ng imbestigasyon para habulin ang may-ari ng bapor para sa danyos, ayon sa opisyal.

Nagpadala na rin ng tauhan ang PCG sa Singapore para makipagugnayan sa mga awtoridad dahil patungo doon ang Pacific Anna, na nagmula sa Incheon, South Korea