Hahanap ng Solusyon: Dagdag benepisyo sa Philhealth isinulong ni Romualdez

“Maghahanap tayo ng solusyon kung papaano magawan na paraan itong kahilingan ng taumbayan na hindi na dadaan sa paggawa pa ng batas dahil medyo matagal ito,” ayon kay Speaker Romualdez

Isusulong ng Kamara de Representantes ang pagpapalawak pa ng benepisyong nakukuha ng mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation o PHILHEALTH.

Sa pangunguna ni House Speaker Martin Romualdez pupulungin nito ang mga opisyal ng Philhealth at Department of Health upang pag-usapan ang mga pamamaraan at kung paano palalawakin pa ang benepisyong natatanggap ng mga miyembro nito gaya ng pagbabayad sa doctor kapag sa private hospital dinala ang pasyente.

“Maghahanap tayo ng solusyon kung papaano magawan na paraan itong kahilingan ng taumbayan na hindi na dadaan sa paggawa pa ng batas dahil medyo matagal ito,” ayon sa Speaker.

“Marami ang nagtatanong sa atin kung pwedeng dagdagan ang sasagutin ng Philhealth sa billing at doctor’s fees kapag private ang kinuha na kwarto o sa pay ward,” dagdag pa ni Romualdez.

Reklamo ng mga pasyente, halos 15 to 20 percent lang ang sinasagot ng Philhealth sa hospital bill kung ang pasyente ay na-admit sa private ward habang ang professional fee naman ay 30 porsiyento lamang umano ang binabayaran ng ahensya.

“Hindi naman lahat na na-aadmit sa ospital ay nasa free o charity ward. Mabilis kasi maubos ang mga charity beds”, dagdag pa ni Speaker Romualdez.

“Hiling ng mga tao na kalahati ng bill nila sana kapag na-admit sa private ay sagutin ng PhilHealth para kalahati na lang ang bayaran ng miyembro”.

Sang-ayon naman dito si Dr. Jose Degrano, pangulo ng Private Hospital Association of the Philippines (PHAP).

Ayon kay Dr. Degrano, “Malaking tulong ang naiisip na ‘yan ni Speaker Romualdez sa mga tao. Karamihan ng na-aadmit sa ospital ay nasa pay ward kahit mahirap dahil madaling maubos ang hospital beds sa charity ward.”

“Karamihan ng na-aadmit sa ospital ay nasa pay ward kahit mahirap dahil madaling maubos ang hospital beds sa charity ward”, paliwanag ni Dr. Degrano.