Gusto ni PBBM ‘yan: Mambabatas, tiwalang magbubukas muli ang Bicol Express

Pangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga Bicolano ang muling pagbuhay ng pamosong Bicol Express, kung kaya naman tiwala ang isang mambabatas na tutuparin ito ng punong ehekutibo.

Sinabi ni Bicol Saro Party List Rep. Brian Raymund Yamsuan na tiwala siyang magbubukas muli ang Bicol Express Philippine National Railways (PNR) sa ilalim ng pamahalaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Ayon kay Yamsuan, pursigido ang pangulo na buksang muli at gawing moderno pa ang tanyag Bicol Express, na aniya ay isa sa mga pangako ni Marcos sa mga Bicolano.

“President Marcos is not only bent on reviving and modernizing the Bicol Express as he had promised Bicolanos. He is also making sure that affected residents would not be neglected by ensuring that they get to resettle in livable communities. This is the strongest indicator that the project will push through,” pagdidiin ni Yamsuan sa isang pahayag nitong Martes, Oktubre 31.

Ang unang hakbang sa pagbuhay muli ng Bicol Express, na kilala rin bilang South Long Haul Project, ay magsisimula sa Banlic in Laguna, tatahak sa mga ruta sa Quezon at Camarines Sur, hanggang matapos ito sa Daraga, Albay. Pinaplano ring i-extend pa ito hanggang Sorsogon.

Pero bago pa man masimulan ito, kailangang makahanap muna ng pondo ang pamahalaan, lalo pa’t hindi na matutuloy ang official development assistance na dapat sana’y manggagaling sa China.