‘Gusto kong marinig ng personal’: DA chief Laurel, personal na makikipagkita sa mga magsasaka at mangingisda

"Gusto kong marinig ng personal kung ano ‘yung kailangan nila, ano ‘yung hinaing nila at ano ‘yung nakikita nilang vision nila," saad ni Agriculture Secretary Kiko Laurel.

Planong mag-ikot sa bansa ni bagong Department of Agriculture (DA) Secretary Kiko Laurel Jr. upang personal na makausap ang mga magsasaka at mangingisda at makita rin ang sitwasyon sa agrikultura ang pangingisda.

“Sa mga susunod na araw, iikot po ako sa halos lahat ng probinsya at kakausapin ko diretso ang mga farmer and fishermen. Gusto kong marinig ng personal kung ano ‘yung kailangan nila, ano ‘yung hinaing nila at ano ‘yung nakikita nilang vision nila. Gusto kong makita ang kalagayan nila,” sabi ni Laurel sa isang press briefing matapos ang flag ceremony sa DA Head Office nitong Lunes, Nobyembre 6.

Kaugnay niyan, iginiit ni Laurel na ang marching order sa kaniya ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay ang pagmodernisa sa agrikultura upang masigurado ang food security sa bansa at matulungang maiangat sa kahirapan ang mga magsasaka at mangingisda bago matapos ang termino nito sa 2028.

“By modernizing the agriculture sector, we could make it a more profitable venture and attract a younger generation that would ensure the country’s food security in the decades to come,” sambit ni Laurel.

Plano rin niya aniya na tigilan ang smuggling at price manipulation upang masiguradong may sapat na suplay ng mga produktong pang-agrikultura sa tamang presyo.