Good start! Gilas Pilipinas wagi kontra Bahrain sa pagsisimula ng Asian Games basketball

Tinalo ng Gilas Pilipinas ang Bahrain, 89-61 sa una nitong laro sa ika-19 Asian Games sa Hangzhou, China.

Wagi ang Gilas Pilipinas sa una nitong laro sa Asian Games nitong Martes, Setyembre 26, sa Hangzhou Olympic Sports Centre Gymnasium sa Hangzhou, China.

Pinangunahan ni naturalized player Justin Brownlee ang atake ng Gilas nang tumabo ito ng 20 points, 9 rebounds, at 3 assists para padapain ang koponan ng Bahrain, 89-61.

Nagdagdag naman ng tig-15 points sina Cjay Perez at Ange Kouame, na parehong off-the-bench para sa Gilas.

Dikitan lang ang laban sa simula, lalo’t kumakamada ng mga three-point shot ang mga gwardiya ng Bahrain sa first quarter. Subalit unti-unting umalagwa ang koponan ni Tim Cone simula sa second quarter, kung saan naghigpit ang depensa ng Gilas at gumanda naman ang takbo ng opensa.

Nagtuloy-tuloy naman ang magandang laro ng Gilas sa second half, kung saan umabot na ng halos 30 points ang kalamangan nito.

Susunod na lalabanan ng pambansang koponan ang Thailand.