Good news! Supply ng bigas, patuloy tumataas dahil sa anihan—DA

Kapag magpatuloy ang pagtaas ng supply ng bigas, maaari na ring tanggalin ang takdang presyo dito, ayon sa mga opisyal

Inanunsiyo ng Department of Agriculture (DA) nitong Martes, Oktubre 3, na tumaas na ang produksiyon ng bigas sa bansa, ayon sa isang opisyal.

Sinabi ito ni Agriculture Undersecretary Mercedita Sombilla kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa isang sectoral meeting sa Malacañang, kung saan tinalakay kung dapat na bang tanggalin ang price ceiling na ibinaba ng pamahalaan.

Partikular na ibinida ni Sombilla ang pagtaas ng suplay ng bigas, pagbaba ng presyo nito sa merkado, at pagbaba ng presyo ng bigas sa pandaigdigang merkado.

Dagdag pa ng DA, ang suplay ngayon ng bigas ng Pilipinas ay katumbas ng 52 araw sa katapusan ng Setyembre.

Sa katapusan naman ng Oktubre, kung kelan inaasahan ang peak harvest, tinatayang magkakaron na ng rice supply na katumbas ng 74 araw.

Ayon naman kay DA-Bureau of Plant Industry (BPI) Director Gerald Glenn Panganiban, maaaring tanggalin na ang price ceiling kung magpapatuloy ang mga magagandang senyales o indicators na nabatid ni Sombilla sa sectoral meeting.