Gobyerno, sinimulan na ang pamamahagi ng P15k ayuda sa mga rice retailer

Ibinahagi na ng gobyerno ang ipinangako nitong P15,000 na ayuda sa mga rice retailers na apektado ng pagtakda sa presyo ng bigas.

Sinimulan na ng gobyerno ang pagbabahagi ng P15,000 na ayuda sa mga maliliit na retailer ng bigas na apektado ng pagtakda sa presyo nito sa bisa ng Executive Order (EO) No. 39

Pinamunuan nina Social Welfare Secretary Rex Gatchalian, Agriculture Undersecretary Domingo Panganiban at Quezon City Mayor Joy Belmonte ang pagbabahagi ng ayuda sa mga rice retailer sa Commonwealth market.

Nakitang nakaupo ang mga benepisyaryo na rice retailer habang nag-aantay ng kanilang slot habang ibinabahagi ang ayuda ng mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ang pangunahing ahensiya na nangangasiwa sa ayuda program.

Sa Agora Public Market naman sa San Juan City, sinaksihan ang pagbabahagi ng ayuda nina Trade Secretary Alfredo Pascual at Mayor Francis Zamora. Umabot naman sa 40 rice retailer ang nakatakdang makatanggap ng ayuda doon.

Nag-ikot rin ang mga opisyal sa mga stall sa palengke upang alamin kung naipapatupad ang takdang presyo sa bigas.

Inanunsyo rin ni Zamora na hindi muna sisingilin ng renta sa pwesto ang mga rice retailers sa palengke para sa buong buwan ng Setyembre bilang tulong ng pamahalaang lokal sa kanila bunsod ng pagtakda sa presyo ng bigas.

Nakatakda ring ibahagi ang ayuda sa iba pang pampublikong pamilihan tulad ng Maypajo Market sa Caloocan City na dadaluhan ni Interior Secretary Benhur Abalos at Caloocan Mayor Along Malapitan.

30