Ginto sa basketball, abot-kamay pa: Gilas pinataob ang Iran, pasok sa semis kontra China

Pinataob ng Gilas Pilipinas ang Iran sa kanilang sagupaan sa quarterfinals ng Asian Games upang makapasok sa semifinals kontra ang China.

Pasok sa semifinals ng Asian Games men’s 5×5 basketball ang Gilas Pilipinas matapos nitong pataubin ang Iran, 84-83 sa kanilang quarterfinals showdown nitong Martes, Oktubre 3, sa Hangzhou, China.

Pinangunahan ni naturalized player Justin Brownlee ang atake ng Gilas nang umiskor ito ng 36 puntos, kabilang ang 19 sa unang half pa lamang. Nag-ambag naman ng 16 na puntos si Scottie Thompson, samantalang maganda rin ang nilaro ni six-time PBA MVP June Mar Fajardo.

Kapansin-pansing Ganado ang Gilas sa simula pa lang ng laro, at agad na kumamada ng 28-22 na kalamangan matapos ang unang yugto. Unti-unti namang pinalaki ng Gilas ang kalamanang nito, na umabot sa sa 21 sa unang mga minuto ng fourth quarter, 68-47.

Subalit nakabalik pa rin ang Iran dahil sa matinding depensa nito at mainit na three-point shooting. Nagpalitan pa ng lamang ang magkabilang koponan sa huling tatlong minute ng laban, hanggang maibigay ni Brownlee ang 84-83 na bentahe sa Gilas may 40 seconds na lamang ang nalalabi.

Susunod na makakalaban ng Gilas ang China, na siya na ring tinalo nito noong FIBA World Cup.