Ginawang negosyo? Mananaya ‘namuhunan’ ng P90M sa lotto, tumama ng P600M!

Ibinunyag ni Sen. Raffy Tulfo ngayong Lunes ang natuklasan niyang modus ng isang mananaya ng lotto na naglabas ng P90 milyon upang makamit ang jackpot prize na mahigit P600 milyon.

Ibinunyag ni Sen. Raffy Tulfo ngayong Lunes ang natuklasan niyang modus ng isang mananaya ng lotto na naglabas ng P90 milyon upang makamit ang jackpot prize na mahigit P600 milyon.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Games and Amusement, inilahad ni Tulfo na ibinuhos ng naturang mananaya ang P90 milyon sa tatlong lotto outlet sa bandang Binondo, Maynila.

“Nag-invest siya ng 90 million at nanalo siya ng P600 million at ang tinaya niya ay System 12. So again, one person may-ari siya. Maybe siya ang may-ari, maybe hindi. Parang nag-invest siya ng P90 million, tig-P30 million each outlet na siya ang may-ari… This is in Binondo area,” saad ng senador.

Hindi naman sinabi ni Tulfo kung aling lotto draw at kung kailan nanalo ang tinutukoy niyang mananaya.

Gayunman, nitong Enero lang ay dalawang beses may nanalo ng jackpot na mahigit P600 milyon.

Una ay noong Enero 16 kung saan napanalunan ang P640,654,817.60 sa Super Lotto 6/49 draw. Ang ikalawa naman ay noong Enero 17, kung saan na-swertehan ang premyong P698,806,269.20 sa Grand Lotto 6/55. Sa dalawang nabanggit na lotto draw ay parehong isang mananaya lamang ang nagwagi ng jackpot.