Ginawa namin ang lahat: Comelec, nanindigang walang ‘failure of election’ sa BSKE

Nanindigan ang Comelec na natupad nito ang pangakong maidaraos ang Barangay at Sangguniang Kabataan election bagaman may mga insidente ng karahasan at aberya.

“Mission accomplished” ang mensahe ni Commission on Elections (Comelec) chair George Garcia nitong Lunes ng hapon, Oktubre 30, matapos ang isinagawang BSKE.

Ito ay sa kabila ng mga ulat ng karahasan at aberya, kagaya na lamang ng hindi pagdating ng election paraphernalia sa anim na barangay sa Lanao del Sur.

Gayunpaman, nanindigan si Garcia sa isang press conference sa Comelec Command Center sa Maynila na nagawa nila, sampu ng mga gurong nanilbihan bilang Electoral Boards, ang kanilang tungkulin at natupad ang pangakong maidaraos ang BSKE.

“Despite the fact of our limited resources, nakakagawa sila ng mga pamamaraan upang maituloy lang ‘yong election, dahil and pangako natin, there should be no failure of election in any of the 201,786 precincts in the country, and we stood to that commitment na walang failure of election dapat,” Garcia said.

Sa katunayan, may mga nanalong kandidato na sa maraming barangay, na siya namang binati na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Martes ng umaga, Oktubre 31.