Gatchalian nabahala sa bentahan ng diploma sa mga Chinese student

Nanawagan si Senator Sherwin Gatchalian sa Commission on Higher Education (CHED) na imbestigahan ang umano'y bentahan ng diploma sa ilang universities at colleges sa Cagayan.

Nanawagan si Senator Sherwin Gatchalian sa Commission on Higher Education (CHED) na imbestigahan ang umano’y bentahan ng diploma sa ilang universities at colleges sa Cagayan.

Ito’y matapos makatanggap ng ulat na nakakabili ng diploma ang mga estudyanteng Chinese sa ilang pamantasan sa Cagayan sa halagang P2 million.

Ipinahayag ni Gatchalianm na siya ring Vice Chairman ng Senate committee on Higher, Technical and Vocational Education, ang kanyang pagkadismaya at sinabing hindi katanggap-tanggap ang naturang gawain.

“Selling diplomas or degrees undermines our efforts to improve the quality of education in the country,” lahad ng mambabatas.

Dapat aniyang patawan ng angkop na kaparusahan ang mga university, college, at opisyal na mapapatunayang lumabag.

“We should send a clear message to our country and the world: diplomas from Philippine HEIs are not for sale,” saad ni Gatchalian.

Maging si Senator Francis Tolentino ay naalarma sa napaulat na kalakaran at nagsabing dapat na rin itong imbestigahan ng Bureau of Immigration (BI).

“Kung talagang merong ganon, eh di i-deport natin lahat yung mga yon. I-cancel natin yung student visa nila kung meron silang student visa,” pahayag ni Tolentino.

Dagdag pa niya, “Ito ay nakakaalarma, hindi lang dun sa pagbili ng diploma, kundi yung sa dinami-dami ng lugar sa ating bansa, dun [sa Cagayan] nila napiling mag-aral.”

Itinutulak naman ni Cagayan 3rd District Rep. Joseph Lara ang imbestigasyon nito sa kamara.

Nakatanggap umano ang kaniyang opisina ng ulat na mayroong tinatayang 4,600 estudyanteng Chinese sa isang pribadong pamantasan sa Cagayan.

Ayon naman sa security analyst at UP professor na si Chester Cabalza, may panganib na dala ang biglaang pagdami ng mga estudyanteng Chinese sa Cagayan dahil sa presensya ng Enhanced Defense Cooperation Agreement site na matatagpuan sa probinsya.

Aniya, hindi lang ito ekslusibong nangyayari sa Cagayan, may mga ulat din umanong nangyayari ito sa ibang mga lugar sa bansa tulad ng Subic.