Gatchalian kay Alice Guo: Kumanta ka na!

Hinikayat ni Senador Win Gatchalian si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo Hua Ping na makipagtulungan sa mga otoridad at ituro ang mga nasa likod ng illegal POGO operations para mabawasan ang pananagutan nito sa batas.

Hinikayat ni Senador Win Gatchalian si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo Hua Ping na makipagtulungan sa mga otoridad at ituro ang mga nasa likod ng illegal POGO operations para mabawasan ang pananagutan nito sa batas.

Partikular na pinatutukoy ni Gatchalian kay Guo kung sino ang malalaking tao na nasa likod ng operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) na tinatawag na ngayong Internet Gaming Licensees o IGL, na gumagawa ng mga iligal at kriminal na aktibidad.

“Hinihikayat ko si Alice Guo na magsalita na, makipagtulungan sa mga awtoridad, at ibunyag ang mga pangunahing tao sa likod ng mga iligal at kriminal na offshore gaming operations,” pahayag ni Gatchalian.

“Upang mabawasan ang kanyang pananagutan, maaari niyang isiwalat ang lahat ng kanyang nalalaman tungkol sa parehong operasyon ng POGO sa Bamban, Tarlac at Porac, Pampanga lalo na’t sinasabing magkaugnay ang dalawa. Ngayon at maliwanag na ang tunay niyang pagkakakilanlan, patong-patong na kaso ang maaaring isampa laban sa kanya dahil sa kanyang pagsisinungaling at panlilinlang, kaya mas mainam na magsalita na siya,” dagdag ng Senador.

Kinasuhan si Guo at iba pa ng non-bailable qualified human trafficking ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).

Ikinakasa na rin ng Office of the Solicitor General (OSG) ang paghahain ng quo warranto laban kay guo matapos makumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na si Alice Guo at ang Chinese national na si Guo Hua Ping ay iisang tao sa pamamagitan ng magkatugmang fingerprints.

Sa panig ng Commission on Elections (COMELEC) pinag-aaralan naman ang pagsasampa ng election offense laban sa suspendidong alkalde ng Bamban.

Naniniwala si Gatchalian na malaki ang maitutulong ni Guo para matukoy ang malalaking tao sa likod ng POGO operations sa bansa.