Gamitin n’yo leave n’yo! May pasok sa Oktubre 31, Nobyembre 3—Palasyo

“Fake news” ang mga impormasyong nagsasaad na Oktubre 31 at Nobyembre 3 bilang mga karagdagang non-working days, ayon sa Palasyo.

Nilinaw ni Executive Secretary Lucas Bersamin ngayong Huwebes, Oktubre 26 na hindi idineklarang holiday ang Nobyembre 3 bilang holiday.

Binansagang “fake news” ni Bersamin ang impormasyong kumakalat na nagsasaad na holiday ang Nobyembre 3 at ang isang diumanong memorandum ng gobyerno na nagsasaad na suspendido ang trabaho sa gobyerno at mga pampublikong paaralan sa Oktubre 31 mula 12 ng tanghali.

Iginiit na rin noong isang araw ng Presidential Communications Office na wala sa plano ng gobyerno na i-deklara ang Oktubre 31 bilang non-working holiday.

May tinaguriang long weekend sa susunod na linggo dahil sa mga magkakasunod na holiday.

Ginawang special non-working holiday ng gobyerno ang Oktubre 30 para sa halalan sa barangay at Sangguniang Kabataan.

Samantala, kasama na sa mga naunang deklarasyon ang pagtatalaga sa Nobyembre 1 at 2 bilang mga special non-working days dahil sa nakagawiang pag-alala sa mga yumao.