Galawang skwater! Iligal na pagsakop ng China sa mga isla sa loob ng EEZ ng bansa, binweltahan ni Teodoro

Delikado ang ginawang paggalaw ng mga barko ng Chinese Navy na bumuntot sa mga barko ng Pilipinas na nagpapatrolya sa karagatang sakop ng Pag-asa Island, ayon sa opisyal.

Binanatan ni Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. ang China matapos igiit ng isang tagapagsalita ng gobyerno nila kanila ang Pag-asa Island, na nakapaloob sa teritoryo ng Pilipinas.

Nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas ang Pag-asa Island kaya ipinagwalang-bahala na lang ni Teodoro ang panibagong hirit ng mga opisyal ng China.

“Eh, ayoko naman matawa dahil bastos naman. Pero itanong mo sa kanila kung anong ibig sabihin. Sasabihin nila siguro indisputable sovereignty ng South China Sea. Ilan ang naniniwala doon? Ang illegal occupation ay kanila,” ani Teodoro.

“Kapag in-occupy ng Pilipinas ang Hainan Island, ‘yun illegal occupation ‘yun. Pero ‘yung nandito-dito sila within our 200-mile EEZ, sila ang squatter. Illegal occupant sila dito, no,” dagdag pa ng opisyal.

Noong Linggo, Oktubre 15, binalaan ng Philippine Navy ang kanilang counterpart sa China matapos gawin ang diumanong “dangerous maneuvers” sa karagatang sakop ng Pag-asa Island sa West Philippine Sea.

Sinabi ng tagapagsalita ng Chinese foreign ministry na iligal ang pagsakop ng Pilipinas sa Pag-asa Island.