Galawang low-key muna: Negosasyon para sa 17 bihag na Pilipino sa Red Sea, tuloy-tuloy lang—DFA

Ayon sa Department of Foreign Affairs, umaasa sila sa "quiet diplomacy" kung saan tutulungan ng mga kaalyado nito ang Pilipinas upang mailigtas ang 17 Pilipinong hostage ng rebeldeng Houthi.

Patuloy na nakikipag-ugnayan ang pamahalaan sa iba’t ibang kaalyado nito upang mailigtas ang 17 Pilipino na kabilang sa mga na-hostage ng mga rebeldeng Houthi sa isang barko sa Red Sea.

Ang taktikang ito, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), ay “quiet diplomacy,” kung saan umaasa ang Pilipinas na makatutulong ang malakas na ugnayan nito sa ibang bansa upang pakawalan ang mga bihag na Pilipino.

BASAHIN RIN: Biktima ang Pinoy: 17 Pilipino, kasama sa mga na-hostage sa isang cargo vessel

“[W]e’ll allow quiet diplomacy do the work kasi mayroon tayong mga partners sa ibang bansa na tumutulong din—Japan of course, pati Greece,” saad ni DFA Undersecretary Eduardo Jose De Vega.

Kaugnay niyan, sinabi ni De Vega na ligtas naman ang 17 Pilipino. Sa katunayan, 12 sa kanila ay nakausap na ang mga pamilya nila sa Pilipinas.

BASAHIN RIN: Makakauwing ligtas: Pamahalaan, ginagawa ang lahat para sa kaligtasan ng mga Pilipinong hostage sa barko—PBBM

“Ang good news ay hindi sila sinasaktan. Iyon ang kumpirmado dahil kakontak nila pamilya,” aniya.

Umaasa naman ang DFA na pakakawalan ng mga Houthi ang mga Pilipino bago mag-Pasko.

BASAHIN RIN: Mas mahalaga sila: PBBM, hindi na dadala sa COP28 dahil sa ‘important developments’ tungkol sa 17 Pilipinong hostage sa Red Sea