Galawang gremlin na naman: Publiko, pinag-iingat ng Customs sa panibagong scam

May bagong scam nanaman na nambibiktima sa mga Pilipino. Sa modus na ito, pinagbabayad ang mga tatanggap ng parcel o package ng mga illicit fees bago umano i-release ang kargamento.

Binalaan ng Bureau of Customs (BOC) ang publiko na mag-ingat sa mga scammer na nangongolekta ng mga iligal na bayarin bago makuha ang mga pinadalang kargamento.

Sa isang advisory na inilabas nitong Biyernes, Oktubre 13, sinabi ng BOC na nagpapanggap ang mga naturang scammer bilang opisyal na kinatawan ng BOC para manlinlang.

“These scammers falsely claim that payment of ‘customs clearance tax/fees’ is required to release parcels or packages,” paliwanag ng advisory. “They send forged acknowledgment letters with the names of BOC officials or employees to victims.”

Kaugnay nito, hinikayat rin ng ahensiya ang publiko na i-report sa BOC ang mga ganitong galawan upang maaksiyunan agad.

Maaaring makipag-ugnayan ang publiko sa BOC sa pamamagitan ng pag-email dito sa boc.cares@customs.gov.ph. Maaari ring magkomento o magpadala ng mensahe sa mga social media accounts ng ahensiya.