Focus na lang sa DepEd! Hontiveros dismayado sa pagsawsaw ni VP Sara sa Quiboloy probe

Pumalag si Senadora Risa Hontiveros sa pagtatanggol ni Vice President Sara Duterte kay Pastor Apollo Quiboloy.

Pumalag si Senadora Risa Hontiveros sa pagtatanggol ni Vice President Sara Duterte kay Pastor Apollo Quiboloy.

Ito’y matapos sabihin ni VP Sara na tila may halong politika ang imbestigasyon ng mga mambabatas laban sa kontrobersyal na lider ng Kingdom of Jesus Christ.

Ayon kay Hontiveros, dapat ay hindi basta-basta magkomento ang Bise Presidente tungkol sa issue.

“Dapat inalam muna yan ni VP bago siya nag-comment ng ganyang wala namang kinalaman sa batas. And political? Again, basahin niya yung resolusyon na aming dinidinig,” giit ni Hontiveros.

“Ito po ay tungkol sa mga grievous offenses laban sa mga babae at menor de edad sa kamay ni Quiboloy,” saad pa ng senadora.

Aniya pa, dapat ay mag-focus na lang si VP Sara, na kalihim din ng Department of Education (DepEd), tungkol sa mga problemang kinakaharap ng education system sa bansa.

“Sana doon na lang. At sa kabuuang problema at pangangailangan ng ating education system na hanggang sa ngayon ay nasa krisis… doon na lang ibaling ni VP ang mga enerhiya niya, sa halip na depensahan ang isang Quiboloy na nang-aabuso pa nga sa mga bata at estudyante nito,” lahad ni Hontiveros.