Fishing ban ng China sa WPS, walang talab!

Wala pang naitatalang kaso ng paghuli ng China sa mga Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) nitong Lunes.

Wala pang naitatalang kaso ng paghuli ng China sa mga Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea, ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) nitong Lunes.

Ayon sa isang panayam kay BFAR spokesperson Nazario Briguera, hindi kinilala ng ahensya ang ipinukol na polisiya ng China kaya patuloy pa rin sa paglaot ang mga mangingisda sa lugar.

“Sa ngayon, wala naman tayong natatanggap na ulat na pinipigilan na ang ating mangingisda kaugnay nitong nilabas ng China na unilateral declaration patungkol sa fishing ban,” sabi ni Briguera.

Aniya, walang dahilan upang tumigil ang mga kapwa Pinoy sa paglayag sa Bajo de Masinloc o Panatag Shoal sa WPS.

“Malinaw po ang posisyon natin dyan katulad po ng posisyong ng Department of Foreign Affairs noong nilabas nila yung protesta, hindi po natin ito kinikilala. At walang dahilan para po huminto sa pangingisda ang ating mga mangingisda dyan sa WPS,” dagdag niya.

Mayroong 300,000 na mga Pilipinong mangingisda na pumapalaot sa katubigan ng West Philippine Sea na siyang bumubuo sa 11% ng pangisdaang huli ng bansa.