Fake news yarn! Alok na P20 milyon kada mambabatas para suportahan ang Charter Change, hindi totoo—mambabatas

Suportado ni Leyte Rep. Richard Gomez pagbabago ng saligang batas, na aniya ay maaaring maging susi sa mga repormang kailangan upang mas lalong mapalakas ang ekonomiya ng bansa.

Mariing pinabulaanan ni House deputy majority leader at Leyte Rep. Richard Gomez ang alegasyon ni Senador Imee Marcos na inaalok ang bawat miyembro ng House of Representatives ng P20 milyon kapalit ang suporta nito sa panukalang People’s Initiative (PI) para sa Charter change (Cha-cha).

“There is no truth to this statement. Nobody has to pay or bribe me or any other lawmakers when it comes to pushing for constitutional reforms, which I believe will truly help our economy and improve the lives of our Filipino people,” saad ni Gomez sa isang pahayag nitong Miyerkules, Enero 10.

Muling babalikan ng Kamara ang Cha-cha ngayong 2024 matapos hindi suportahan ng Senado ang isinulong nitong Constitutional Convention.

Kaugnay niyan, sinabi ni Gomez na naiintindihan niya kung bakit dapat at napapanahon nang baguhin ang saligang batas, na aniya ay maaaring maging susi sa mga repormang kailangan upang mas lalong mapalakas ang ekonomiya ng bansa.

“A revised constitution can pave the way for reforms that encourage foreign investments, streamline bureaucratic processes, and foster a more business-friendly environment which, in turn, can contribute to job creation, poverty reduction, and overall economic development,” paliwanag ni Gomez sa parehong pahayag.

Dagdag pa ni Goma, ang mga may ayaw na baguhin ang saligang batas ay may mga sariling intensiyon lamang at natatakot sa pagbabago.