Fake news lang! Planong destabilisasyon kontra PBBM, pinabulaanan ng PNP

Tiniyak ng Pambansang Kapulisan na walang katotohanan ang video na kumakalat sa social media na may mga heneral sa hanay ng PNP at AFP na kinukumbinsi si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magbitiw sa tungkulin.

Walang planong destabilisasyon kontra kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at sa pamahalaan nito.

Iyan ang tiniyak ng Philippine National Police (PNP) matapos mag-viral sa social media ang isang video na nagsasabing may mga heneral umano sa hanay ng PNP at Armed Forces of the Philippines na nais mag-resign ang pangulo.

“Ang inyong pambansang pulisya ay nagsasagawa ng intensified cyber patrolling upang matukoy kung sino ang source at origin ng nagpapakalat ng ganitong klase ng online posts,” saad ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo sa isang press briefing sa Camp Crame, Quezon City nitong Huwebes, Enero 4.

“Ito ay para na rin sa security and safety ng ating mga kababayan na pwedeng maloko na maishare ang ganitong posts to attain followers,” dagdag pa ni Fajardo

Umabot na sa higit 88,000 views ang naturang video at may lampas 1,100 comments na rin.

Kaugnay niyan, pinaalalahanan ng PNP ang publiko na maging responsible sa social media at huwag agad magshi-share ng mga hindi beripikadong impormasyon.

“Nakikiusap tayo sa ating mga kababayan na mag-ingat tayo sa pagpo-post at pagshi-share ng mga unverified information sa ating respective social media accounts,” ani Fajardo. “Maging responsible po tayong lahat dahil maaari tayong maharap sa iba’t ibang kaso for spreading unverified and fake news.”

Aniya, maaaring makasuhan ang mga nagpapakalat ng fake news sa ilalim ng mga batas sa cybercrime.