Extended! Deadline sa paghain ng COC ng mga nais kumandidato sa barangay, SK Elections sa NCR, Abra, pinalawig hanggang Setyembre 4

Muling pinalawig ng Commission on Elections (Comelec) ang huling araw ng paghahain ng certificate of candidacy (COC) para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections sa mga piling lugar kasunod ng pagsususpinde ng pasok sa gobyerno noong Biyernes, ika-1 ng Setyembre.

Sa isang abiso, inihayag ng Comelec na pinalawig nito ang deadline sa paghahain ng COC sa National Capital Region (NCR) at Abra ng ika-4 ng Setyembre dahil sa masamang panahon na dulot ng mga Bagyong Hannah at Goring, na siya namang nagpapalakas sa habagat.

“NCR’s (COC filing) will resume on September 2 until September 4,” ayon sa nasabing advisory.

Ipinagpatuloy na sa Abra ang paghahain at pagtanggap ng COC nitong Biyernes, habang ang paghahain naman ng ng COC sa Ilocos Norte ay hanggang 5 p.m. na lamang sa Linggo, ika-3 ng Setyembre.

Nitong Biyernes nang umaga ay nakatanggap na ng 944,325 COCs mula sa 80 probinsiya, ayon sa huling tala ng Comelec.

Sa bilang na ito, 70,925 ay tumatakbo bilang barangay captain, samantalang 518,383 ay naghahangad mapabilang na miyembro ng Sangguniang Barangay.

Samantala, mayroon ring 58,914 na tatakbo bilang pinuno ng Sangguniang Kabataan at 296,103 bilang miyembro ng SK board.