Extended! Deadline sa enrollment sa mga pampublikong elementarya at high school, hanggang katapusan ng Setyembre – DepEd

Pinalawig pa ng Department of Education ang deadline sa enrollment ng mga mag-aaral hanggang katapusan ng Setyembre

Papayagan pa rin ng pamunuan ng Department of Education ang mga late enrollees hanggang sa katapusan ng Setyembre bilang tulong dahil sa sunod-sunod na pagka-antala sa pasok sa eskwela bunsod ng mga malalakas na pag-ulan.

Sinabi ni DepEd deputy spokesperson Assistant Secretary Francis Bringas na kumpiyansa ang kagawaran na aabot pa rin ang target enrollment ng kagawaran na 28.8 milyon para sa kasalukuyang taon.

“Yes, we are on course naman. We will be looking at a final number considering the variance between Grade 12 who graduated and incoming Kindergarten, among others,” aniya.

Kapos pa rin ng tatlong milyon ang kagawaran sa target nito dahil 25.89 milyon pa lang na mag-aaral sa lahat na pampublikong paaralan ang nakakapagrehisto nang Miyerkules, Setyembre 6.

Ayon sa Learner Information System (LIS) ng DepEd, ang rehiyon ng Calabarzon ang may pinakamaraming enrollee na umabot na sa 3,821,034. Sumunod naman ang Central Luzon (2,817,827 learners), National Capital Region (2,675,386 learners), at Central Visayas (1,999,476).

Samantala, matatagpuan naman sa Cordillera Administrative Region ang pinakamababang bilang ng mga learner ngayon sa 406,815.

Ani Bringas, gumagalaw pa rin ang bilang ng mga enrollee dahil patuloy ang pag-update ng datos ng mga paaralan.

“Once 100% of schools have reported, mag-close na and we will have the official number for this school year,” aniya.

Aalamin rin ng kagawaran ang mga dahilan kung bakit hindi na bumabalik ang ibang mag-aaral nito sa mga paaralan, dagdag pa ng tagapagsalita.

“Reason for not enrolling is not because they are displaced. The public schools do not refuse enrolment,” ani Bringas.

“Once LIS closes (after the first month), schools will employ child-find procedures to determine reasons for not returning to school. ALS will be the other alternative for them to continue if they are unable to continue formal schooling for some reasons,” aniya.