Escudero hindi masikmura P23 bilyon halaga ng tinatayong Senate building

Nilinaw ni Senate President Francis "Chiz" Escudero na ang pagsusuri sa konstruksyon ng New Senate Building (NSB) ay para lamang tasahin kung ang P10 bilyon para sa ikatlong yugto nito ay karapat-dapat.

Nilinaw ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na ang pagsusuri sa konstruksyon ng New Senate Building (NSB) ay para lamang tasahin kung ang P10 bilyon para sa ikatlong yugto nito ay karapat-dapat.

Ayon kay Escudero, wala umano siyang inaakusahan na may nagaganap na irregularity sa pagpapatayo ng gusali.

“Nobody alleged irregularity. I’m not alleging any irregularity. I never alleged irregularity. I don’t know why people are sounding too defensive about this,” pahayag ni Escudero sa isang ambush interview.

Pinaliwanag din nito na trabaho niya bilang Senate President na suriin kung tama ba na gumastos ng malaking halaga para sa NSB.

“Ang sinabi ko lamang, hindi ba, masyadong mataas at parang masama sa panlasa na ganito kalaking halaga ang kailangang gastusin para sa isang gusali ng pamahalaan… Masama lang sa panlasa. Kung payag kayo diyan, eh di kayo, kaya niyo sigurong sikmurahin ‘yon. Ako hindi. At siguro trabaho at obligasyon ko bilang tagapangulo ng Senado na tingnan yon, na pag-aralan, suriin, at tingnan kung paano ito mapapababa,” dagdag pa nito.

Ayon kay Escudero, nanawagan si chairman ng Senate Accounts Committee Senador Alan Peter Cayetano ng pagsisiyasat dahil hindi umano nakikipagtulungan sa kanila ang Department of Public Works and Highways (DPWH).

Kamakailan ay iniutos ni Escudero ang pagsusuri sa pagtaas ng budget para sa NSB sa Taguig, na sinabi niyang lumobo na sa P23 bilyon.