Epektibo rin dito: P6-milyong halaga ng iligal na droga, nasamsam sa drug war sa Bicol

May kampanya kontra iligal na droga rin ang Bicol region, at tila epektibo ito sa pangunguna ni Regional Director Brig. Gen. Westrimundo Obinque.

Mahigit P6.5 milyong halaga na ng iligal na droga ang nasamsam ng mga awtoridad sa Kabikulan, na patunay lamang na epektibo rin ang isinasagawang kampanya ng rehiyon kontra sa droga.

Ayon kay Lt. Col. Maria Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Police Regional Office 5, ang naturang halaga ay nasabat ng kapulisan sa iba’t ibang operasyon simula Oktubre 1 hanggang Oktubre 30. Sa panahong ito, 860.464 gramo ng shabu ang nasabat ng awtoridad, samantalang 56.863 gramo naman ng pinatuyong dahon ng marijuana ang nasamsam nito. Nabawi rin ng mga pulis sa Bicol ang 130 gramo ng hindi pa matukoy na iligal na droga.

Kaugnay nito, may 119 na indibidwal na rin ang naaresto ng kapulisan sa Kabikulan, at nasampahan na rin sila ng kaso.

Dagdag pa ni Calubaquib, pinapangunahan ni Regional Director Brig. Gen. Westrimundo Obinque ang pinaigting na drug war sa rehiyon upang matigil ang pagkalat ng iligal na droga sa Bicol.