Entrance exam sa private colleges ng mga honor students mula mahirap na pamilya, libre na!

Ganap nang batas ang libreng examinations ng mga estudyante sa mga private colleges sa bansa.

Ganap nang batas ang libreng examinations ng mga estudyante sa mga private colleges sa bansa.

Ito ay matapos mag-lapse into law noong Hunyo 14 ang Republic Act 12006 o ang Free College Entrance Examinations Act.

Ayon sa Presidential Communications Office, nakasaad sa bagong batas na libre na ang pagkuha ng entrance examinations sa mga estudyanteng kwalipikado at kapos sa buhay.

Kinakailangan lamang na isang natural-born Filipino citizen, nasa top 10 ng graduating class, at dapat ay kabilang sa mahihirap na pamilya.

Maaring mag-apply ang mga kwalipikadong estudyante sa alin mang pribadong eskwelahan sa bansa at kinakailangan na kumpletuhin ang requirements.

Inaatasan ang Commission on Higher Education (CHED) na parusahan ang mga pribadong eskwelahan na lalabag sa bagong batas.

Pinababalangkas din ang CHED ng Implementing Rules and Regulations (IRR) sa loob ng 60 araw mula nang maging epektibo ang batas. Inaatasan din ang CHED na makipag-ugnayan sa Department of Education.

Pinakukunsulta ang CHED sa Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines at iba pang mga kahalintulad na institusyon.

Sa ilalim ng Konstitusyon, may 30 araw ang Pangulo ng bansa na lagdaan ang batas o i-veto.

Magiging batas ito kung hindi aaksyunan ng Pangulo ng bansa sa loob ng 30 araw.