Engineering graduate na may 33 bagsak na subject, pasado agad sa licensure exam!

Tila dumaan sa butas ng karayom ang isang mechanical engineering student para makapagtapos at makakuha ng licensure examination.

Tila dumaan sa butas ng karayom ang isang mechanical engineering student para makapagtapos at makakuha ng licensure examination.

Walong taon ang kinailangan ni Allen Madlangbayan, estudyante sa University of Batangas, para makamit ang kanyang inaasam na diploma.

Ito’y dahil 33 beses siyang nagkaroon ng bagsak na subject, at dalawang drop subjects.

“1st year, 1st sem pa lang dalawa na agad bagsak ko at hindi ko to dinamdam hanggang sa dumami nang dumami ang singko ko at hindi ko na alam gagawin ko,” wika ni Allen sa kanyang Facebook post.

“Gusto ko na sumuko at mag shift pero lage ko iniisip ang nasimulan ko,” aniya pa.

Muntik pa siyang hindi makapagtapos dahil sa financial problem, pero inilaban niya ito hanggang makapasok siya sa top 10 ng pre-board exam sa kanilang batch.

At sa 2024 Mechanical Engineer Licensure Examination (MELE) ay nagbunga ang kanyang pagpupursige matapos niya itong mapasa sa kanyang unang take.

“Visualize mo lang goal mo, tuloy mo lang kahit di na pabor sayo ang lahat at wag ka matakot mag try at mag fail,” payo ni Allen sa mga kapareho niya ng sitwasyon.

“Mag tiwala ka lang sa sarili mo at maging consistent ka ket pabor sayo o hindi ang nakikita mong resulta,” wika pa niya.