‘Empleyado lang’: Roque todo depensa sa bitbit na staff abroad

"Siya po ay dati ko nang empleyado. 'Yun lang ang alam ko."

“Siya po ay dati ko nang empleyado. ‘Yun lang ang alam ko.”

‘Yan ang naging paglalarawan ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque kay Alberto Rudolfo De La Serna, ang tinutukoy na travel companion sa kanyang pinirmahang appointment letters at iba pang dokumento sa ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga.

Aniya, si De La Serna ay galing sa isang political family sa Bohol na nagsilbing executive assistant niya na nag-handle ng kanyang mga social media accounts at presence noong siya ay nasa Palasyo pa.

“Ang lolo po niya ay naging dating gobernador ng Bohol. Ang lolo niya sa mother side niya ay dating Vice Mayor,” kwento ni Roque.

“Siya po ay isang college graduate, at siya po ay kinuha ko bilang isang IT. Sila po ang nag-handle, isang grupo po yan – mga magbabarkada, na nag-handle po ng aking social media presence noong ako po ay nagtatravel po, nasa Malacañang, at noong kami po ay nasa eleksyon,” patuloy niya.

Nauna nang sinabi ni Roque na kailangan niya ng travel companion sa Europa kung saan siya naging guest speaker dahil sa kanyang sakit na “diabetes with coronary stent and suffering from acute spinal stenosis.”

AKB Express News ang unang nagreport sa koneksyon ni Roque at De La Serna at ang appointment ng huli sa Palaayo bilang Executive Assistant III ng dating Presidential Spokesperson.

Si De La Serna ay dating isang male model na nagrepresenta sa bansa sa 2016 Mister Supranational. Mayroon siyang degree sa Business Administration, isang non-medical course o program.