Emergency loans para sa miyembro, pensyonado na apektado ng lindol sa Surigao del Sur, kasado na — GSIS

Maaari nang i-avail ng mga miyembro at pensyonado ng Government Service Insurance System (GSIS) ang kanilang emergency loan program para sa mga nasalanta ng paglindol sa Surigao del Sur kamakailan. Makakahiram ng hanggang P20,000 ang mga miyembro walang kasalukuyang emergency loan na apektado ng lindol.

Handa ang Government Service Insurance System (GSIS) na magpaabot ng emergency loan sa mga miyembro at mga pensyonado nito sa Caraga Region na lubhang napuruhan ng magnitude 7.4 earthquake sa Surigao del Sur noong Disyembre 2.

Sa isang pahayag, sinabi ng GSIS na maaari nang i-avail ng mga miyembro nito ang kanilang emergency loan program. Makakahiram ng hanggang P20,000 ang mga miyembro walang kasalukuyang emergency loan na apektado ng lindol.

Samantala, maaaring makakuha ng hanggang P40,000 ang mga manggagawang may kasalukuyang emergency loan mula sa GSIS para mabayaran ang kanilang balance. Hanggang P20,000 lang ang maximum net amount na halagang matatanggap nila matapos mabayaran ang balance.

Maaari ring kumuha ng emergency loan ang mga pensyonado ng hanggang P20,000, ayon sa GSIS.

“Eligible applicants for the emergency loan are active members residing or working in the calamity area who are not on leave of absence without pay and have paid their premiums within the last six months prior to application,” ayon sa GSIS.

“They should have no pending administrative or criminal case and have a resulting net take-home pay of at least P5,000 after all the required monthly obligations have been deducted,” dagdag pa nito.