Election violence? 8 kaso na iniuugnay sa halalan naitala na ng PNP

Nakapagtala na ng walong hinihinalang election-related incidents ang PNP kaugnay sa nalalapit na barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre 30.

Walong hinihinalang election-related incidents na ang naitala ng Philippine National Police (PNP) kulang dalawang buwan bago ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Oktubre 30.

Sa isang press briefing sa Camp Crame, Quezon City, sinabi ni PNP spokesperson Col. Jean Fajardo na ang mga kaso, kabilang ang pamamaril at pananaksak, ay naitala sa Bicol Region, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, at Soccskargen.

“First, we have to determine whether the victim or the suspect is an incumbent official running in the BSKE. We also check whether these are Comelec (Commission on Elections) officers or family members of candidates or identified political supporters of a candidate. Another thing is we would check if these would affect the electoral process,” paliwanag ni Fajardo.

Sinabi rin ni Fajardo na ang mga insidenteng ito ay iba-validate pa ng Joint Peace and Security Coordinating Council (JPSCC) sa loob ng 10 araw upang matukoy kung ang mga ito ay maituturing na election related incident.

Ang PNP ang pangunahing katuwang ng Comelec upang mapanatiling mapayapa ang BSKE.