Ekis kami jan! Iba pang transport groups, dedma sa tigil-pasada ng Manibela

Nitong nakaraang linggo lang, inanunsiyo ng transport group na Manibela ang plano nitong tigil-pasada dahil sa umano'y maanomalyang PUV Modernization Program. Subalit tila hindi sila suportado ng ibang mga kabaro nito.

Tila ang grupong Malayang Alyansa ng Bus Employees at Laborers Para sa Karapatan sa Paggawa (Manibela) lamang ang magsasagawa ng tigil-pasada simula Lunes, Oktubre 16, matapos hindi makakuha ng suporta mula sa ibang transport group.

Inanunsiyo ng pamunuan ng mga grupong Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas, Pasang Masda, Stop and Go Transport Coalition, Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide, Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines, Alliance of Concerned Transport Organizations Alliance of Concerned Transport Organizations, at Alliance of Transport Operators and Drivers Association na hindi sila magtitigil-pasada kasama ang Manibela.

Anila, makakadagdag lang sa patong-patong na problema ng transport sektor ang pagsasagawa ng transport strike.

Dagdag pa nila, suportado nila ang liderato ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairperson Teofilo Guadiz III, na sinuspindi kamakailan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. dahil sa mga alegasyon ng anomalya.

Samantala, nag-anunsyo na ng suspension of classes ang ibang mga local government units at paaralan dahil sa nakakasang tigil-pasada.

Tiniyak naman ng Philippine National Police ang presensiya nito upang mapanatili ang kapayapaan sa gitna ng transport strike.