Easy lang sa mungkahi, bagitong Binoy! Pagpapalawig ng termino ng pangulo, bise president, wala sa hulog — Imee

Bagaman tutol sa nasabing panukala, inamin naman ng senadora na may mga probisyon sa konstitusyon na dapat talagang baguhin na. Gayunpaman, naniniwala siyang hindi pa napapanahong baguhin ang konstitusyon.

Hindi pabor si Senador Imee Marcos sa panukala ni Senador Robinhood Padilla na palawigin ang termino ng mga opisyal ng bansa, partikular na ang pangulo at bise presidente.

“Parang nakakahiya naman, parang self-serving. Naka-upo kami tapos magpapa-extend kami hanggang forever? Huwag na! Nakakahiya!” saad ni Marcos sa isang ambush interview nitong Biyernes, Disyembre 15, matapos niyang magbigay ng educational assistance sa mga mag-aaral ng Universidad de Manila.

Bagaman tutol sa nasabing panukala, inamin naman ng senadora na may mga probisyon sa konstitusyon na dapat talagang baguhin na. Gayunpaman, naniniwala siyang hindi napapanahon ang balak ng House of Representatives at ni Padilla na charter change.

“Hindi talaga tamang panahon. At saka nalalabuan ako doon sa sinasabi na people’s initiative sapagkat ang intindi namin ang proseso hindi ganyan,” dagdag ni Marcos.

Paliwanag pa niya, Korte Suprema na ang nagsabing minor changes lamang ang pwedeng gawin sa konstitusyon. Hindi rin aniya pwedeng simulan ng Kamara ang pagbabago sa konstitusyon nang hindi kinukonsulta ang Senado, na dalawang beses nang binasura ang panukalang charter change.