Easy lang, mga marites! DOTR sa publiko: Antayin matapos ang imbestigasyon ng Coast Guard sa lumubog na bangka sa may Scarborough

Inaantay rin ng Department of Transportation (DOTr) ang resulta ng imbestigasyon ng Philippine Coast Guard bago matukoy ang susunod nilang hakbang.

Hinimok ng Department of Transportation (DOTr) ang publiko na kumalma at iwasan munang gumawa ng sariling konklusyon na makakaapekto sa kasalukuyang imbestigasyon sa bangaan ng bangka at isang bapor na nagdulot ng pagkamatay ng tatlong mangingisda.

Sa isang pahayag, umapela si Transportation Secretary Jaime Bautista sa publiko na hayaan muna matapos ang imbestigasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) sa paglubog ng bangka noong Lunes, Oktubre 2.

“The DOTr will closely coordinate with the PCG on the next steps following the investigation,” ani Bautista, na sinabing inaantay rin ng kagawaran ang resulta ng imbestigasyon.

“As protocol, the PCG is collating the statements of the 11 fishers who survived during the collision as part of the investigation,” dagdag pa ng opisyal.

Ayon sa PCG, isang oil tanker na rehistrado sa bandila ng Marshall Islands ang bumangga sa isang bangkang pumapalaot sa karagatan malapit sa Scarborough Shoal.

Naka-angkla ang bangka sa isang payao nang mabangga ito ng bapor, na may pangalang Pacific Anne. Nangingisda naman ang ibang crew nito sa paligid kaya nakalayo ang mga ito sa insidente.

Tatlo ang namatay, kabilang ang kapitan ng bangka.