E kung kalimutan rin kaya ng may-ari yung sweldo nila? 200 kilo ng manok, kumpiskado matapos malimutan ng delivery boy ang papeles—Manila LGU

Sinita ang delivery ng manok, na lulan ng isang tricycle sa Divisoria, at nang hanapan ng mga kaukulang dokumento ang delivery team, tila nalimutan daw ito sa pinanggalingan ng shipment.

Nasabat ng mga awtoridad ang halos 200 na kilo ng karne ng manok sa Maynila matapos hindi pa matukoy ang pinanggalingan nito dahil sa kakulangan ng dokumento mula sa tauhan ng delivery, ayon sa Veterinary Inspection Board (VIB) ng Manila City Government.

Sinita ang delivery ng manok, na lulan ng isang tricycle sa Divisoria, ayon kay VIB assistant team leader Dr. Princes Espanto.

Hinanapan ng inspection team ang delivery team ng meat inspection certificate, ngunit hindi raw ito nadala ng tauhan, ayon kay Espanto.

“Hindi pwedeng nakalimutan lang. Dapat dala talaga nila. Tapos ‘yung manok po nakalapag lang sa sahig, walang cover. Dapat ‘yan may plastik saka proper papers talaga,” paliwanag ni Espanto.

Nagpatuloy ang inspection team sa pagroronda sa iba’t ibang pamilihan tulad ng Blumentritt at Paco Public Markets upang matukoy na sumusunod ang mga tindahan sa mga regulasyon sa pagbenta ng karne.

Maliban sa pagsusuri ng mga dokumento, kinumpiska rin ng inspection team ang mga gamit sa pandaraya sa pagbenta ng karne tulad ng ilaw na may ibang kulay, at may takip na plastik.

“Ito po kasi ginagamit po nilang pandaya which is hindi ma-distinguished kung sariwa ‘yung mga binibili niyo pa. Kaya mahigpit po na pinagbabawal sa lungsod ng Magnila na maglagay po ng mga ganitong devices,” sinabi ni meat inspector Alvin Celis.

Pinaalalahanan naman ni VIB officer in charge Dr. Nick Santos ang mga nagtitinda na sumunod sa mga alituntunin sa pagbenta upang maiwang maantala sa pagtitinda.

“Natuto naman sila pero may mangilan-ngilan na hindi pa rin sumusunod sa atin kaya napipilitan kaming kumispikahin ‘yung mga karne nila, ‘yung ilaw nila, ‘yung mga gamit nila sa palengke,” paliwanag ni Santos.