Duterte patuloy banat kay PBBM: Makuntento ka na sa isang termino!

Muling binira ni ex-president Rodrigo Duterte si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang rally sa Tagum City, Davao Del Norte nitong Linggo.

Muling binira ni ex-president Rodrigo Duterte si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang rally sa Tagum City, Davao Del Norte nitong Linggo.

Sa pagkakataong ito, sinabihan ni Duterte si Marcos na huwag magtangkang habaan ang kanyang termino bilang pangulo, na magtatapos sa 2028.

Ayon kay Duterte, sisirain ni Marcos ang bansa kung maglilingkod pa ito ng lagpas anim na taon.

“Mr. President, be happy and finish your term for six years. Makuntento ka na diyan at binigyan ka ng panahon ng Panginoong Diyos na makapagsilbi sa ating bayan kahit na hindi maganda ang pagbaba ng tatay mo,” saad ni Duterte, habang pinaalala ang People Power Revolution na nagpaalis sa rehimeng Marcos Sr. sa pwesto noong 1986.

Muli ring kinwestyon ni Duterte ang abilidad ni Marcos na mamuno.

“Nararapat bang tumagal (sa puwesto) si Marcos? ‘Yan ba si Marcos ay may abilidad?” aniya.

Ang anak ni Duterte na si Vice President Sara Duterte ay kaalyado ni Marcos noong eleksyon, kung saan sigaw nila ang pagkakaisa.

Gayunman, si Duterte mismo ang panay ang banat kay Marcos. Minsan na niya itong tinawag na drug addict at kamakailan lang ay binatikos ang hindi niya pagtatapos ng kolehiyo.

Samantala, si Marcos ay dedma lang sa mga bira ni Duterte.