DTI, target magbahagi ng 15k ayuda para sa rice retailers ngayong linggo

Tinitingnan ng Department of Trade and Industry na masimulan ang pagbabahagi ng 15k ayuda para sa mga rice retailers bago matapos ang linggong ito.

Magsisimula ang pagbabahagi ng P15,000 financial assistance sa mga qualified rice retailers na apektado ng price cap sa bigas bago matapos ang kasalukuyang linggo, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).

Sinabi ni Trade Assistant Secretary Agaton Uvero na kasalukuyang vina-validate ng kagawaran ang listahan ng mga small rice retailers na maaaring makatanggap ng ayuda.

Aniya, sa Metro Manila pa lamang, aabot na sa 25,000 ang nasa listahan ng retailer.

“Target namin bago matapos ang linggo ay magsisimula na ng distribution ang DSWD (Department of Social Welfare and Development) ng financial assistance,” Uvero said.

Paliwanag pa ni Uvero na tutukuyin rin ng kagawaran kung talagang nabenta ng mga retailer ang kanilang stock ng bigas ng palugi o mas mababa pa sa takdang presyo na minamandato ng Executive Order No. 39.

Ipinatupad ang price freeze sa regular milled at well milled rice simula Martes, Setyembre 5.

Samantala, patuloy pa rin ang DTI at Department of Agriculture (DA) sa paglikha ng mekanismo para ipamahagi ang ayuda sa mga kwalipikadong mga rice retailer.