DTI official sa mga retailer: ‘Konting sakripisyo muna’ habang umiiral ang takda-presyo sa bigas

Nakiusap ang isang opisyal ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga retailer ng bigas na pansamantalang magsakripisyo muna pagdating sa kita, na maaapektuhan dahil sa ipapatupad na price ceiling para sa karaniwang pagkain ng Pilipino.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni DTI Assistant Secretary Agaton Uvero na mabebenta pa rin nila ang kanilang mga stock ngunit magiging maliit lamang kikitain nila.

“Hinihingi ng pamahalaan ‘yung sakripisyo ng mga retailers, tumulong din sila,” ayon kay Uvero. “Based sa computation, namin pwede kasing ibenta, siguro hindi naman lugi, pero wala lang kita … Tama, kailangan magsakripisyo ‘yung mga rice retailers natin.”

Naniniwala si Uvero na may magandang pagkakataon na maikli lang ipapatupad ang takdang presyo sa bigas dahil sa paparating na harvest season ng palay. Sa kanyang palagay, maaaring mas maikli lang sa kadalasang 60 na araw ang pagtatakda ng presyo.

“This is just a temporary measure … sooner than later maayos din ito,” ayon kay Uvero.

“Extraordinary ang price surge so malinaw na may ebidensiya ng hoarding, profiteering, and price manipulation,” dagdag pa ng opisyal. “Hindi po nagkukulang ng supply, iniipit po ang supply natin.”