DTI, kinakasa ang Special Task Force sa kagawaran na magpapatupad ng price freeze sa presyo ng bigas

Binubuo na ng Department of Trade and Industry ang isang Special Task Force na mangangasiwa sa pagpapatupad ng Executive Order No. 39.

Ipinagutos ni Trade Secretary Alfredo Pascual ang pagbuo ng isang Special Task Force sa kagawaran na mangangasiwa sa pagpapatupad ng Executive Order (EO) No. 39 na nagtatakda ng presyo sa bigas.

Ayon kay Pascual, ang pagbuo ng task force ay isa sa mga hakbang ng Department of Trade and Industry upang ipatupad ang EO No. 39, na nagsimulang magtakda sa presyo ng bigas ngayong Martes, Setyembre 5.

“To my DTI colleagues who are assigned to the rice task force, let’s work together to perform our duties properly and efficiently,” ani Pascual, na kasalukuyang nasa Jakarta kasama ang Panglong Marcos para sa ASEAN Summit.

Magsasagawa ng profiling at validation ng mga retailer ng bigas ang mga miyembro ng task force, na siyang gagamitin ng mga ahensiya para magbahagi ng tulong sa kooperasyon ng Department of Agriculture, local government units, at Local Price Coordinating Councils.

Pakikilusin rin ng DTI ang mga samahan at asosasyon ng retailers para ipadala ang listahan ng mga retailer sa kanila, na magsisilbing basehan nila sa mga makakatanggap ng ayuda.

“Currently, we are working with other government agencies to facilitate the profiling and validation of retailers, which shall be the basis for the distribution of financial aid by DSWD as early as next week,” ani Trade Assistant Secretary Teodoro Uvero.

Nakatakda rin magbigay ng logistics support ang gobyerno, na inaasahang magpapababa pa ng gastos sa pagdala ng bigas mula sa traders papuntang retailers.

Tutulong rin ang gobyerno sa pagkonekta ng mga magsasaka sa mga bumibili ng bigas ng bultuhan tulad ng supermarkets, restaurants, hotels, resorts, at iba pang mga commercial establishments.

“We are also set to conduct visits in warehouses in various locations to ensure that there is enough supply and discourage hoarding. As instructed by DTI Secretary Fred Pascual, the task force will ensure that consumers are protected and retailers will receive the assistance they need as the EO takes effect,” ani Uvero.